Ipinapakita lamang ng malaking halaga na inilalaan para sa national budget sa susunod na taon na handa ang pamahalaan na gumastos sa pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas na nilumpog ng COVID-19 pandemic, ayon sa isang ekonomistang kongresista.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni AAMBIS-OWA party-list Rep. Sharon Garin na kaakibat nang paggastos ng pamahalaan, ito man ay para sa COVID-19 o sa mga infrastructure projects, ay ang domino effect sa iba pang aspeto ng ekonomiya.
Kaya naman tama lang na taasan at ginawang P5.024-trillion ang proposed national budet sa susunod na taon para mapunan ang resulta nang paghina ng ekonomiya ng bansa.
Bukas, Agosto 26, nakatakdang simulan ng Kamara ang paghimay sa National Expenditure Program (NEP) na noong lang isinumite ng Department of Budget and Management.
Ayon kay House Committee on Appropriations chairman Eric Yap, mayroon lamang silang 35 araw para talakayin at aprubahan ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Sa darating na Oktubre na kasi nakatakdang magsimula naman ang filing ng certificate of candidacy para sa mga tatakbo sa 2022 polls.