Aabot sa P46 bilyon ang makokolekta ng pamahalaan mula sa ilang power firms sa bansa na may matagal ng utang sa Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM).
Resulta ito ng joint hearing ng House Committee on Public Accounts and Accountability at House Committee on Good Government.
Ayon kay Public Accounts Committee Chairman Mike Defensor, malaking tulong ang P46 bilyon para magamit sa priority programs ng gobyerno kabilang na ang pandagdag sa pondo para labanan ang pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Sa kabila naman ng mga naunang imbitasyon, hindi pa rin sumali sa joint hearing ang House Committee on Energy na siyang dapat may hurisdiksyon sa buong power generation industry kung saan ang tumatayong chairman ay si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Kabilang sa mga iniimbestigahan ng dalawang komite na may utang sa PSALM ang South Premier Power Corp na pag-aari ng negosyanteng si Ramon Ang.
Matatandaang una ng napabalita na si Ramon Ang ang tumayong sponsor ni Velasco ng tumakbo ito sa house speakership race.
Habang ang misis naman ni Velasco na si Wen ay sinasabing malapit din kay Ang.
Kaugnay nito, sinabi ni Defensor na hindi na nila hihintayin na umaksiyon ang komite ni Velasco sa paniningil sa mga power firm na ito.
Nabatid na kabilang sa nangakong magbabayad sa PSALM ang SPPC ng aabot sa P22.6 bilyon bilang advance sa kanilang monthly payment sa PSALM mula Marso 2020 hanggang Hunyo 2022.
Maliban aniya sa makukuha sa SPPC ay may P23.6 billion pa ang kokolektahin mula sa iba pang power firms kabilang dito ang Meralco (P15 billion); Northern Renewables Generation Corp.(P4.6 billion); Filinvest Development Corp. (FDC) Misamis Power Corp (P2.6 billion) at FDC Utilities, Inc ( P1.2 billion).