
Tiniyak ng pamahalaan na makakatanggap ng tulong mga lugar na naapektuhan ng oil spill.
Ayon sa Department of National Defense (DND) nasa mahigit P43 million halaga ng tulong ang ibibigay sa 74-areas sa Regions 4-B (Mimaropa) at Region 6 (Western Visayas) na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro na pinangunahan ng Office of Civil Defense (OCD), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), local government units (LGUs) at non-government organizations (NGOs).
Sa ulat ni Defense Secretary Carlito Galvez kay Pangulong Bongbong Marcos, nasa 31,497 pamilya o 143,713 indibidwal ang apektado mula sa 122 barangays habang ang kabuhayan ng nasa 13,654 mangingisda ay naapektuhan din.
Nakapagtala din ang NDRRMC ng 169 individuals na nasugatan o nagkasakit dahil sa oil spill.
Isinailalim na rin sa State of Calamity ang mga bayan ng Bansud, Bongabong, Bulalacao, Gloria, Mansalay, Naujan, Pinamalayan, Pola, Roxas in Oriental Mindoro at Caluya, Antique.
Sa ngayon nasa kabuuang 894 sako ng oil contaminated debris at 77.5 drums ng dumi ang nakolekta sa patuloy na clean-up activities sa mga baybayin.
Ipinag-utos naman ni Pangulong Bongbong Marcos na palakasin ang cleanup operation sa oil spill sa Oriental Mindoro.
Una ng siniguro ng Pangulo na magbibigay ng tulong ang gobyerno sa pamamagitan ng cash-for-work program.
Sa kabilang dako, nakatakda namang dumating sa bansa sa March 20,2023 ang response team mula sa bansang Japan na may bitbit na Remotely Operated Vehicle (ROV) na malaking tulong sa paglilinis ng oil spill.
Ang nasabing ROV ipinahiram ng Harbor Star company na kinontrata ng insurance firm ng may-ari ng shipping company.










