Binigyan diin ni House Speaker Lord Allan Velasco ang kahalagahan nang pag-pasa sa isa pang economic stimulus package ngayong hindi pa rin tapos ang problema sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ito ni Velasco matapos na inihain ang House Bill No. 8628, o ang proposed Bayanihan to Arise as One Act (Bayanihan 3), nila ni Marikina Rep. Stella Quimbo noong Huwebes, na sinuportahan naman ng 115 iba pang kongresista na nagpahayag ng kanilang pagnanais para maging co-author.
Ipinapanukala nina Velasco na gumamit ang pamahalaan ng karagdagang P420 billion para sa iba’t ibang programa nito kontra mga epekto ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Velasco na mahalaga ang papel na gagampanan ng Bayanihan 3 para makamit ng pmahalaan ang recovery targets nito ngayong taon.
Hindi aniya sapat ang inaprubahang dalawang Bayanihan Laws noong nakaraang taon upang sa gayon ay makamit ng Pilipinas ang “genuine” na economic recovery.
Kaugnay nito ay tinukoy ni Velasco ang 9.5 percent contraction sa gross domestic product ng bansa noong nakaraang taon.
Sa ilalim ng panukala, P52 billion ang alokasyon na nais ibigay bilang subsidiya sa mga maliliit na negosyo para ipambayad sa kanila namang mga empleyado at iba pang worker-related expenses.
Aabot sa P100 billion ang inilalaan para sa capacity-building ng mga negosyo sa mga critically impacted sectors; P108 billion bilang karagdagang social amelioration sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng mga programa ng DSWD; P70 billion para tulungan ang mga magsasaka, livestock producers at mangingisda; P30 billion para sa implementasyon ng unemployment assistance at cash-for-work programs ng DOLE.
Ang inilalaang pondo naman para sa internet allowances sa primary, secondary at tertiary students at teachers sa pampubliko at pribadong paaralan ay paglalaanan ng P30 billion; P5 billion para gamitin ng DPWH sa rehabilitation nang mga lugar na apektado ng mga nagdaang malalakas na bagyo; at P25 billion para sa pagbili ng DOH ng mga gamot at bakuna sa COVID-19 at information campaign awaremnes nito.