-- Advertisements --

Pinatitiyak ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na mabayaran muna ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang kanilang tax liabilities pago payagang makapagbukas ulit sa gitna ng quarantine dahil sa COVID-19.

Ito ay kahit pa suportado ni Salceda ang pahayag ng ilang opisyal ng pamahalaan na kailangan ang sektor dahil ang kitang nakukuha rito ay magagamit sa COVID-19 response.

Tinatayang aabot na sa P42 billion ang tax liabilities ng POGOs sa kasalukuyan, at aabot naman sa P2 billion ang buwanang buwis na sisingilin dito kada buwan kung papayagan nang magbalik operasyon.

“Of course, the tax and regulatory agencies will have to make that guarantee that they can enforce. You can even use the question of whether POGOs should be allowed to reopen as an opportunity to collect tax liabilities. We can make granting the permission to reopen conditional on settling existing tax liabilities,” ani Salceda.

Ayon kay Salceda, maaring gamitin ang makokolektang buwis mula sa POGOs para sa testing at hospitalization ng COVID-19 patients.

Pero ito ay kung matitiyak aniya ng pamahalaan na masisingil nito ang tax liabilities ng mga POGOs.

Isa ito sa mga kondisyon na inilatag ng Pagcor para sa pagpapahintulot sa partial operation POGO hubs, bukod pa sa striktong pagsunod sa quarantine protocols dahil sa banta pa rin ng COVID-19.

Ayon sa Pagcor, 30-porsyento lang ng kabuuang workforce ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang papayagang bumalik sa trabaho.

Samantala, pending pa rin ngayon sa Kongreso ang panukalang batas ni Salceda para sa fiscal regime ng POGOs.

Sa ilalim ng House Bill No. 5267, oobligahin ang POGOs na magbayad ng 5-percent tax sa gross receipts mula sa kanilang operations, habang sisingilin din ng 25-percent tax sa kanilang sahod at allowances ang mga dayuahang nagtatrabaho rito.