-- Advertisements --
image 461

Ikinadismaya ng ilang grupo ng mga manggagawa ang dagdag na P40 sa arawang sahod ng pribadong sektor sa National Capital Region.

Ayon sa Federation of Free Workers (FFW), bagamat maituturing itong isang maliit na tagumpay para sa mga dedikadong labor force, hindi aniya ito sapat para matustusan ang tumataas na cost of living o pamumuhay sa rehiyon.

Saad pa ng grupo na ang dagdag na sahod ay mas mababa mula sa inaasahang mahigit P100 wage recovery ng labor force.

Bigo din aniya na isaalang-alang ang tumataas na cost of living sa Metro Manila kayat ipinunto ng grupo na malayo pa na matapos ang paghihirap na makamit ang patas na living wage o minimum na kinakailangang income para matustusan ng mga manggagawa ang kanilang pangunahing mga pangangailangan.

Nagpahayag din ng parehong sentimiyento ang Partido Manggagawa (PM) at sinabing ang dagdag sahod na ito ay mas mababa sa P100 hanggang P140 na wage hike petition na inihain ng ilang labor groups simula pa noong Disyembre ng nakalipas na taon.

Nakakadismaya aniya na ang pag-apruba sa dagdag na sahod ay late na dahil hindi aniya ang mga manggagawa ang ikinonsidera sa pagdedesisyon kundi ang panig ng mga negosyo.

Una rito, nitong huwebes, inanunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na NCR’s Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang Wage Order No. NCR-24 para sa P40 na dagdag na arawang sahod para sa non-agriculture at agriculture sector.

Bunsod nito, ang daily minimum wage na sa NCR para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector ay tataas na sa P610 mula sa kasalukuyang P570 habang sa mga manggagawa naman sa agriculture sector ay tataas na sa P573 mula sa P533.

Nakatakdang ipatupad naman ang dagdag na arawang sahod sa Hulyo 16 ng kasalukuyang taon.