Pormal nang naisumite sa Kamara ng Department of Budget and Management (DBM) ang “historic” na P4.506-trillion 2021 National Expenditure Program (NEP).
Sa gitna ng COVID-19 pandemic, personal na nagtungo si DBM Sec. Wendel Avisado sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para isumite ang NEP sa liderato ng Kamara sa pangunguna ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Avisado, 9.9 percent na mas mataas ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon kumpara sa General Appropriations Act (GAA) ngayong 2020 dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Kaya aniya itinaas ang panukalang pamabansang pondo sa 2021 dahil layon nitong ma-sustain ang efforts ng pamahalaan sa pagtugon sa epekto ng pandemya.
Hangad aniya nilang mapagpabuti ang healthcare system, matiyak ang food security, magkaroon ng labor intensive projects, maayos ang digital economy at matulungan ang mga komunidad na makabangon at mamuhay sa gitna ng COVID-19 health crisis.
Nananatili pa ring top agency na may pinakamalaking panukalang pondo para sa susunod na taon ang Department of Education, ayon kay Avisado.
Ito ay para matiyak na walang aberya sa hanay ng edukasyon kahit pa mayroong pandemya.
Makakatanggap din ng malaking pondo ang Build, Build, Build program para mapalakas pa lalo ang infrastructure development, na inaasahan na makakapagbigay ng maraming trabaho lalo na ngayong libu-libo ang displaced workers.
Bukod dito, prayoridad din sa 2021 NEP ang mga programa para sa agriculture at fisheries sector, recovery ng micro, small and medium enterprises, at online o IT system sa bansa.