Aabot sa P368 million sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One law (Bayanihan 2) ang ginagamit ng Department of Health (DOH) sa pagkuha ng marami pang mga magbabakuna para sa COVID-19 mass inoculation program.
Sa joint hearing of the House Committees on Health at Trade and Industry ngayong araw, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na tatagal ang naturang pondo hanggang sa katapusan ng Hunyo, kaya umaapela silang palawigin pa ang validity ng funds sa Bayanihan 2.
Sa ngayon, aabot na sa 3,000 ang vaccinators na kinuha ng DOH, ayon kay Cabotaje.
Bukod sa pagkuha ng marami pang mga vaccinators, pinakikilos din ng pamahalaan ang mga medical health workers na naka-assign sa military at iba pang government agencies.
Maging ang kooperasyon ng gobyerno at private sector ay isinusulong din para ma-repurpose ang health workers ng mga private business upang sa gayon ay maraming mga Pilipino ang matuturukan ng bakuna kaagad.
Tiniyak naman din ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang mga stakeholders sa private sectors na tutulong din ang pamahalaan sa pagbakuna sa kanilang mga empleyado sa oras na dumating na sa Hunyo ang mga bakuna kontra COVID-19.









