Nasa P35 million na pondo ang inilaan ng Philippine National Police (PNP) sa pagbili ng mga high-tech equipment na gagamitin para sa kanilang anticyber-crime campaign.
Ito ay sa gitna ng tumataas na kaso ng krimen sa cyber space.
Ngayong araw inilunsad ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang kanilang E-Access o Enhanced Anti Cybercrime Campaign, Education, Safety and Security.
Ang nasabing programa ang tututok sa mga scammer, extortionist at phedophiles sa pangunguna ng Anti Cybercrime Group at Information Technology Management System.
Ayon kay Eleazar, ang E-Access ay isang website na magiging sumbungan ng mga netizen sakaling sila ay nabiktima ng modus.
Simple lang ang proseso, sa kanilang website na cybercrimewatch.pnp.gov.ph, i-click lang ang complaint kung saan ilalagay ang uri ng kanilang transaksyon at detalye ng mga reklamo.
Makatatanggap ng One Time Pin confirmation sa kanilang contact number ang nagreklamo para sa Data Privacy Act upang matiyak na ligtas ang kanilang pagsusumbong.
Puwede rin dito i-check ang mga kahina-hinalang numero, social media account at email address na dati nang may record sa PNP.
Naglalaman din ito ng mga paaalala kung paaano makakaiwas sa krimen at “tips” para sa ligtas na online transaction, mga informative video at top reported crimes.
Ang mga sumbong na matatanggap ng PNP ang magiging basehan ng kanilang entrapment operations.
Ayon kay PNP Anti-Cybercrime Group director, B/Gen. Robert Rodriguez, nangunguna sa mga complaint na kanilang natatanggap ay financial fraud sumunod ang cyber libel.
Gayunpaman sinabi ng heneral, dahil sa bagong programa ng PNP ay magdadalawang isip na ang mga cyber criminals sa kanilang mga aktibidad.