-- Advertisements --
image 350

Naihatid na raw ang mga gamot at medical supplies at iba pang mga commodities sa mga rehiyon na labis na naapektuhan ng Severe Tropical Storm Paeng.

Ayon sa Department of Health (DoH), nasa P31,063,736.14 ang halaga ng mga nai-deliver nang mga gamot.

Sinabi ni DoH officer-in-charge Health Secretary Maria Rosario Vergeire na ang mga suplay ay dinala na sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Caraga, Bangsamoro Region at National Capital Region (NCR) bago pa man tumama ang bagyo.

Mayroon din umanong P72,803,656.64 na halaga ng commodities ang inihanda na para sa mobilization sa DoH Central Office Warehouse.

Dagdag ni Vergeire na bago pa man mag-landfall ang bagyo ay nakahanda na ang DoH dahil alam daw nilang marami ang maaapektuhan ng bagyo sa buong bansa.

Maliban sa mga tulong na ito, mayroon na rin umanong idineploy ang human resources for health (HRH) na kanilang mga tauhan sa 633 evacuation centers nationwide.

Ito ay para siguruhing patuloy ang provision ng essential healthcare services sa mga lugar na sinalantan ng bagyo.

Naatasan ang human resources for health na mag-screen sa mga evacuees sa mga evacuation centers at naatasang tutukan ang health, nutrition, medical, psychosocial at water-sanitation-hygiene services.

Nagsagawa rin ang mga ito ng rapid health assessments para ma-evaluate ang kondisyon ng mga apektadong indibidwal.

Una na ring inilagay ang mga DoH Regional Hospital sa high alert para paghandaan ang agarang deployment o augmentation maging ang anticipation sa posibleng pagtaas ng hospital admissions.

Mahigpit ding binabantayan ng DoH ang mga apektadong health facilities kabilang na ang cold chain facilities at equipment para masiguro ang tuloy-tuloy pa operasyon.