Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez na walang maiiwan na mga residente ng Siquijor sa ilalim ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nasa kabuuang P300 million halaga ng ibat ibang programa ng gobyerno at pinansiyal na tulong ang ipinamahagi sa 50,000 beneficiaries kung saan halos 100 percent ng family population ng probinsiya ang sakop.
Pinangunahan ni Speaker Romualdez ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Siquijor nitong weekend kung saan ikinatuwa nito na naging matagumpay ang nasabing programa sa paghahatid ng mga mga serbisyo ng gobyerno sa mga far-flung areas o malalayong lugar sa bansa.
“Sa Bagong Pilipinas, lahat kasama sa pag-unlad. Pinakamaliit man ang Siquijor sa mga lalawigan ng Central Visayas, kasama pa din po kayo sa Bagong Pilipinas. Patunay dito ang paglunsad ngayon ng Serbisyo Fair sa inyong lugar,” pahayag ni Speaker Romualdez.
Ang BPSF ay programa ng Pangulong Marcos para ilapit sa mga kababayan natin na nasa malayong lugar ang mga serbisyo ng pamahalaaan.
“Ito po ang Bagong Pilipinas – pamamahalang nagmamahal, hindi lang sa salita, kundi sa gawa; hindi naghihintay, bagkus ay kusa at dagliang lumalapit para matugunan ang mga pangangailangan ng taongbayan tungo sa sama-sama nating pa-unlad,” pahayag ni Speaker Romualdez.
Ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Siquijor ang siyang kauna-unahan para sa region 7 na pinangunahan nina Representative, Congressman Zaldy Villa kasama si Siquijor Governor Jake Vincent Villa.
Nasa 39 na mga national government agencies ang lumahok sa serbisyo fair.