Inaasahan na sa mga susunod na araw na maibibigay sa mga magsasaka at mangingisda ang P3,000 na fuel subsidy mula sa pamahalaan sa harap ng tuloy-tuloy na oil price hikes.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Arnel de Mesa, tuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Development Bank of the Philippines para sa pamamahagi ng mga cards na gagamitin ng mga beneficiaries sa mga susunod na araw.
Sinabi ni De Mesa na bukod sa inisyal na P500 million, karagdagang P600 million ang dinagdag sa budget para sa fuel subsidy ng mga magsasaka at mangingisda.
Mula sa P500-million fund, sinabi ng opisyal na nasa 160,000 magsasaka at mangingisda ang magbebenepisyo.
Samantala, sinabi rin niya na isa pang P3,000 na fuel subsidy ang ibibigay sa mga beneficiaries sa Abril para sa ikalawang trance.
Nabatid na ang mga magsasaka at mga mangingisda ay dapat kasama sa Registry System ng DA para maging eligible sa fuel subsidy.
Ang mga wala pa sa listahan ay maari lamang makipag-ugnayan sa kanilang Municipal o City Agriculturist’s Office.