-- Advertisements --

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang tatlong indibidwal matapos maaresto sa ikinasang buybust operation noong Martes, Nobyembre 29, sa lungsod ng Mandaue kung saan nasabat ang kabuuang 510 gramo ng shabu.

Unang naaresto sa isinagawang operasyon sa Brgy. Subangdaku sina James Anthony Paunil alyas Jimpoy, 31 anyos at Riza Lanquido Melorin, 27 anyos, kapwa residente ng Brgy Lagtang sa lungsod ng Talisay.

Nakumpiska mula sa posisyon ng dalawa ang 310 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P2,108,000.

Samantala, sa isa pang operasyon sa kaparehong lugar, naaresto ang isang 26 anyos na high value individual na kinilalang si Niven Moncada Cuesta.

Nakumpiska mula sa posisyon nito ang 200 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1.3 million pesos.

Ayon sa ulat ng pulisya, dati na ring naaresto si Cuesta dahil sa iligal na droga.

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang mga naarestong suspek para sa tamang disposisyon.