LEGAZPI CITY – Tumulak patungong Batangas ang nasa 102 volunteers mula sa Bicol na tinatawag na “Mayon veterans” upang tumulong sa mga apektado ng mga aktibidad ng bulkang Taal.
Karamihan sa mga ito ay mula sa Albay na sumasabak sa disaster response sa mga panahon ng pag-aalburoto ng bulkang Mayon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Presidential Assistant on Bicol Affairs Usec. Marvel Clavecilla, mahalaga umano ang gagampanang papel ng naturang volunteers mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tulungang makabangon ang Taal evacuees.
Bukod pa rito, una nang ipinadala ang anim na truck ng food packs at isang tangke ng drinking water sa Batangas habang ngayong araw naman ang biyahe ng lima pang trucks na karga ang non-food items kagaya ng sleeping kits at malong.
Nagkakahalaga ng P3.5 million ang tulong na inihatid ng Bicol subalit nangako si Clavecilla sa tuloy-tuloy na buhos ng donasyon mula sa iba’t ibang government agencies sa rehiyon.
Maging ang Department of Health (DoH) Bicol ang nagpadala rin ng medical personnel, karagdagang gamot, face masks at eye drops para sa mga apektado.