NAGA CITY – Aabot sa P3.4-milyong halaga ng pinaghihinaalang shabu ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa isinagawa nitong buy bust operation sa Milaor, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ng PDEA na nagpositibo ang kanilang intelligence sa pagtumbok sa mga suspek na sina Alex Salcedo at Rudy Rector.

Kapwa drug personalities umano ang dalawa na matagal ng tinutugis ng ahensya.

Aminado ang PDEA na ilang beses ang nadakip na si Salcedo pero kataka-taka umano ang palagian ding pagkalaya nito.

Sa ngayon patuloy na inaalam ng ahensya ang source ng iligal na droga ng mga suspek.

Tiniyak ng tanggapan na hindi na makakatakas sa batas si Salcedo pati ang kaibigan nito.