-- Advertisements --

Nakatakdang mabiyayaan ng nasa P289-milyong halaga ng mga proyektong pang-imprastraktura ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos kamakailang makakuha ng green signal para simulan na ang konstruksiyon sa pamamagitan ng Support to Local Moral Governance program (SLMG) ni Chief Minister Ahod Ebrahim.

Ang pagtayo ng mga pampublikong palengke, barangay hall, pampublikong terminal, at isang legislative building ay kabilang sa memoranda of agreement (MOA) na nilagdaan kasama ng Interior and Local Government Minister na si Atty. Naguib Sinarimbo at 18 local government units sa rehiyon.

Ang dalawang palapag na barangay hall ay itatayo sa ilang mga lugar sa mga bayan ng Balindong, Marantao, Pagayawan, Calanogas, Malabang, Kapai, at Tamparan sa Lanao del Sur; Parang at Buldon sa Maguindanao del Norte at sa Cotabato City.

Bukod dito, anim na pampublikong pamilihan din ang itatayo sa mga bayan ng Albraka, Hadji Muhammad Ajul, at Lamitan City sa Basilan; Sitangkai sa Tawi-Tawi; Kapatagan sa Lanao del Sur at Sultan Mastura sa Maguindanao del Norte.

Bahagi rin ng infrastracture projects ang pampublikong terminal sa Malabang, Lanao del Sur at isang legislative building sa Kabuntalan, Maguindanao del Norte.

Ipapatupad ng kani-kanilang mga LGU ang mga proyekto habang ang Ministry of the Interior and Local Government (MILG) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang susubaybay sa kanilang pag-unlad.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Chief Minister Ebrahim ang kahalagahan ng mga proyektong pang-imprastraktura para sa rehiyon.

Ayon kay Pagayawan Mayor Khalida Sanguila na matagal na nilang hinahangad na magkaroon ng barangay hall, malaking bagay ito.

Sa panig naman ni Minister Sinarimbo, kasalukuyang ipinatutupad ng Ministry of Local Government ang pagtatayo ng 250 barangay hall sa buong rehiyon, at 100 pa sa susunod na taon.

Layunin aniya nitong makumpleto ang 600 barangay hall sa taong 2025 na ipinangako ng gobyerno ng BARMM sa mga LGU ng rehiyon.

xxxxxxxxxxxxxxxx