Upang maibsan ang pasanin ng mga Pilipino sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado, sabay na ipatutupad ng pamahalaan ang paglalabas ng P238 bilyong tulong pinansyal at ang paghihigpit ng sinturon sa mga ahensya ng gobyerno.
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means, isiniwalat ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Rolando Rolly Toledo na huhugutin ang bilyun-bilyong pondo mula sa 2026 General Appropriations Act, pati na rin sa mga continuing appropriations at automatic appropriations.
Ayon sa opisyal, direktang ilalaan ang halaga para sa iba’t ibang targeted social protection programs. Kabilang na rito ang pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka at mangingisda, pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan, at pamamahagi ng fuel subsidy para sa sektor ng transportasyon.
Bilang paunang hakbang, naglabas na ang pamahalaan ng P2.5 bilyon para sa fuel subsidy ng mga transport operators at hiwalay na P1 bilyon para naman sa service contracting.
Kasabay ng paglalabas ng malaking pondo, ipinag-utos din ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 20 porsiyentong bawas sa mga hindi mahahalagang gastusin ng iba’t ibang ahensya upang makalikom ng karagdagang budget.
Ayon sa DBM, partikular na tatapyasan ang pondo para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE). Kabilang sa mga hakbang sa pagtitipid ang paglimita sa mga official travel, pag-uutos na gumamit ng mga virtual meetings, at ang mahigpit na pagpapatupad ng energy conservation measures sa mga tanggapan ng gobyerno.
















