Nilinaw ni Senate President Vicente Sotto III na tanging ang mga nangangailangan lang talaga ng tulong ng gobyerno ang mapapasama sa 16.5 million pamilya na mapapasakop sa tinatayang P200-billion supplemental budget sa COVID-19 situation sa Pilipinas.

Pahayag ito ni Sotto matapos sabihin ni Sen. Panfilo Lacson na maaring hindi sapa t ang P200 billion budget para sa lahat ng pamilya sa bansa na apektado na nararanasang public health emergency dahil sa COVID-19.

Sa isang panayam, tinukoy ni Sotto na ang proposed P200-billion supplemental budget ay “ballpark figure” lamang na nabanggit sa meeting ng executive branch kasama an gmga opisyal ng Senado at Kamara noong Sabado ng gabi.

Sa katunayan, ang panukalang batas na nakatakdang ipasa ng Kongreso na nagbibigay nang pahintulot kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-realign ang pondo para maresolba ang problema sa COVID-19 ay hindi nga nagsasaad ng eksaktong halagang kakailanganin.

Sinabi ni Sotto na sa ngayon mayroong 22 million pamilya sa Pilipinas, at 16.5 million dito ay matituturing na mahirap habang ang natitirang 5.5 million ay may kapasidad naman na ma-sustain ang kanikanilang sarili sa gitna ng kinakaharap na health crisis.

Sa kabila nito ay tiniyak pa rin ni Sotto na ang 5.5 million na may kayang pamilya ay hindi naman papabayaan ng gobyerno.