Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang umano’y smuggled electronics sa isang warehouse sa Guiguinto, Bulacan.
Sa isang pahayag, sinabi ng BOC na ang inspeksyon ay isinagawa sa pamamagitan ng Letter of Authority (LOA) na inisyu ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio batay sa “derogatory information” na natanggap tungkol sa isang warehouse sa RIS Industrial Complex sa Guiguinto.
Sa pag-inspeksyon, sinabi ng kawanihan na natuklasan ng implementing team ang sari-saring telebisyon na may iba’t ibang laki, mga makinang ginagamit para sa lamination, mga kahon na ginagamit para sa packaging, at mga materyales para sa reconditioning at repair.
Ang tinatayang halaga ng mga gamit na natuklasan sa loob ng bodega ay P20 million.
Sinabi ng ahensya na pansamantalang na-secure ng team ang storage facility gamit ang BOC seals at nag-post ng 24/7 duty detail sa entrance at exit gate ng warehouse.
Ayon sa Customs, kung ang mga ito ay mapapatunayang walang wastong mga dokumento sa pag-import, ito ay sasailalim sa seizure at forfeiture proceedings para sa paglabag sa Section 1400 na Misdeclaration in Goods Declaration.