Ipinasakamay na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kabuuang P19 million cash money na inisyal ng napaulat na P17 million sa Department of Justice (DOJ).
Kaugnay nito, tiniyak ni Col. Thomas Valmonte, chief legal officer ng CIDG na maiging binilang at idinokumento ang pera na kanilang narekober at sinigurong wala ni isang centavo ang nawala.
Inihayag din ni Valmonte na nasa DOJ na ang desisyon kung ano ang gagawin sa malaking halaga ng pera.
Una ng nadiskubre ang P19 million cash mula sa isang vault na nakalagay sa loob ng isang empty van na nakaparada sa may HDJ Bayawan Agri-Venture Corp. Tolong Compound noong Marso 24, araw na isinagawa ang raid.
Ayon pa kay Valmonte, si Pryde Teves at ang tatlong indibidwal na naaresto ay kakasuhan ng illegal possession of firearms at explosives.
Nauna ng nakumpiska ng mga awtoridad ang iba’t ibang kalibre ng mga baril at libu-libong mga bala at pampasabog sa compound ni Teves.
Ito ay matapos na ituro ng isang informant ang lokasyon ng mga armas.
Ayon kay Valmonte na ang presensiya ng nasabing mga armas ay isang indikasyon lamang na mayroong intensiyon na gumawa ng “act of terrorism”.
Subalit paglilinaw ni Valmonte na ang kanilang isinagawang paggalugad sa property ni Pryde Teves ay walang kinalaman sa pagpaslang kay Governor Degamo at walong pang indibidwal sa bayan ng Pamplona sa negros oriental noong Marso 4.
Sa halip, bahagi aniya ito ng Oplan Paglalansag na isang flagship project ng CIDG laban sa illegal possession of firearms.