-- Advertisements --

Pumapalo na sa halos P180 million ang utang ng PhilHealth sa mga paanakan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kaya naman nakikiusap na si Patricia Gomez ng Integrated Midwives Association of the Philippines sa pamunuan ng PhilHealth na bayaran na ang kanilang mga utang, kahit man lang sa mga paanakan sa mga lugar na hinagupit ng Bagyong Odette noong Disyembre 2021.

Sa ngayon kasi ay tuloy-tuloy pa rin ang serbisyo ng mga paanakan na ito kahit pa ang ilan sa kanila ay wala nang bubong, walang tubig, at/o ilaw kasunod nang paghagupit ng nagdaang bagyo.

Problema nga rin aniya ng mga paanakan sa ngayon ang pasuweldo sa kanilang mga empleyado, pagbili ng mga supplies at equipment dahil sa malaking utang sa kanila ng PhilHealth.

Bago pa man kasi aniya nagkaroon ng COVID-19 pandemic ay mayroon na ring utang ang PhilHealth na nagpatong-patong na.

Hindi nga rin nila magawang magpatupad ng PhilHealth Holiday kasi naawa rin sila sa kanilang mga pasyente.

Sa ngayon, patuloy aniyang nakikipag-ugnayan ang kanilang hanay sa PhilHealth tungkol sa utang ng ahensya.