Tinalakay na sa pagpupulong ng National Disaster Risk Reduction and Management Office ang pagsasagawa ng cloud seeding operations.
Ito’y sa gitna ng epekto ng El Niño phenomenon kung saan lubhang apektado ang sektor ng agrikultura.
Sa pagpupulong na isinagawa kahapon, iniulat ng Department of Agriculture (DA) na dahil sa epekto ng El Niño ay umabot na sa P464.3 million ang production loss at P22.918 million ang volume loss sa agrikultura na naitala nitong March 8, 2019 dahil sa tagtuyot.
Sa report na inilabas ng DA, nasa 13,679 ektarya ng pananim at 13,679 magsasaka sa regions: IX, X, XI, XII, MIMAROPA (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan), at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang apektado ng kakulangan sa tubig.
Dahil dito, ipinalabas na ng DA ang kabuuang P18.3 million sa kanilang mga regional offices para sa cloud seeding operations sa tulong ng Philippine Air Force.
Matapos ang isinagawang joint area assessment, inirekomendang isagawa ang cloud seeding operations sa Regions 2 at 12 mula ngayong araw, March14, hanggang May 21, 2019.