-- Advertisements --

Aabot ng hanggang P18 billion ang lugi ng bansa sa kada araw ng lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic, ayon sa isang economist-lawmaker.

Dahil dito, binigyan diin ni Marikina Rep. Stella Quimbo, co-chairman ng co-chairman of House Defeat Covid-19 Committee economic cluster, ang kahalagahan nang pagpasa ng isang economic stimulus plan para masindihan ulit ang ekonomiya ng bansa.

Sinabi ni Quimbo na mayroong dalawang hadlang sa pagbubukas ulit ng ekonomoya: ang liquidity concerns ng mga negosyo at ang aniya’y “fear factor” sa mga manggagawa.

Sa isang panayam, sinabi ni Quimbo na sa P18 billion na lugi, P12.5 billion dito ay unearned wages at payroll na sinagot ng mga nonessential business sa kasagsagan ng lockdown at karagdagang P5.5 billion pa sa unearned corporate income.

Base aniya sa survey na isinagawa kamakailan ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa nasa 40,000 respondents, 48.3 percent ang nawalan ng trabaho, o walang sinasahod sa kasagsagan ng implementasyon ng enhanced community quarantine.

Bukod dito, sinabi rin sa survey na isinagawa ng Gallup International na 34 percent ang nawalan ng kanilang trabaho.

Dahil dito, mahalaga aniyang maipasa ang isinusulong nilang economic stimulus package at nananawagan din siyang magkaroon ng plano sa structural reforms na isasagwa para mapalakas pa lalo ang ekonomiya ng bansa.