Nananawagan ngayon ang Department of Finance (DoF) sa pamahalaan na pag-aralang mabuti ang pagsuspindi sa oil excize tax kahit nasa gitna ang bansa sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon sa DoF daang bilyon daw kasi ang mawawala sa kita ng pamahalaan sa susunod na taon sakaling suspendehin ang buwis sa langis.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, base raw sa memorandum na inilabas ni Finance Undersecretary for Revenue Operations Group Antonette Tionko ang pagsuspindi sa excise taxes petrolyo ay magiging dahilan nang pagkawala ng P131.4 billion na kita ng pamahalaan.
Dahil dito, posible raw makaapekto sa pondo ng pamahalaan sa COVID-19 recovery measures ang pagsuspindi sa buwis sa mga produktong petrolyo.
Una rito, nagbigay ng rekomendasyon ang DoF official kasunod ng panukala ni Energy Secretary Alfonso Cusi na bigyan ng kapangyarihan ang Department of Energy (DoE) para suspendehin ang excise tax dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo nito.
Sa pagtaya ni Cusi, nasa P8 hanggang P10 kada litro raw ang mababawas sa presyo ng petrolyo kapag sususpendehin ang excise tax.
Kung maalala, sa pamamagitan ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law ay nagtaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pamamagitan ng tatlong tranches mula 2018 hanggang 2020.
Sa ngayon, sinabi ni Cusi na pinag-aaralan na rin ng pamahalaan na magpatupad ng subsidy program para sa public transport drivers para maibsan ang kanilang problema sa halos linggo-linggong pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Noong mga nakaraang linggo, dumulog na rin ang mga transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para ihain ang kanilang petisyon na dagdag pasahe sa pampublikong sasakyan na aabot sa P3.