-- Advertisements --

Nasa P130 million halaga na ng tulong ang naibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang apektado nang pananalasa ng bagyong Odette.

Sinabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na kabilang sa naturang halaga ang mahigit P99 million halaga ng food at non-food items at nasa P30 million halaga naman ng tulong na ibinigay sa mga local government units.

Aminado si Dumlao na wala pang naibibigay na financial aid sa mga biktima ng bagyo dahil sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang response measures na ipinatutupad ng kagawaran para sa mga apektadong pamilya.

Tiniyak naman niya sa publiko na binibilisan ng DSWD ang release ng mga tulong para sa mga sinalanta ng bagyo upang sa gayon ay makapagsimula na ulit sila sa kanilang buhay kasunod nang pananalasa ni ‘Odette.’

Ayon kay Dumlao, nasa mahigit 1 million pamilya o mahigit 4 million katao ang apektado nang hagupit ng bagyo.

Ang mga ito ay mula sa 6,106 barangays sa central at southern Philippines.

Sa kasalukuyan, nasa 311,000 katao o 80,000 pamilya pa ang nananatili sa mga evacuation centers.