Pumalo sa P121 milyon ang iniwang pinsala sa imprastraktura ng Bagyong Paeng sa lungsod ng Zamboanga.
Ito ay batay sa inisyal na ulat ng City Disaster Risk Reduction Management Office, na karamihan sa mga nasirang imprastraktura sa siyudad ay mga tulay at slope protection facilities.
Maliban sa imprastraktura, nag-iwan din ng pinsala ang bagyo sa sektor ng agrikultura ng lungsod kung saan aabot sa P1.8 milyon ang halaga ng mga nasirang pananim.
Nasa 50 barangays sa siyudad ang apektado at kasakuluyang nanunuluyan sa 42 evacuation sites.
Ang pinaka naapektuhang barangays ay ang Ayala, Tulungatung, Tugbungan, Tumaga at Putik.
Ayon kay Zamboanga City Mayor John Dalipe na nasa 10,754 pamilya ang apektado sa hagupit ng Bagyong Paeng.
Sa nasabing bilang 6,011 pamilya mula sa east coast habang 4,743 naman sa west coast.
Inaasahan na maglalaan ng pondo ang lokal na pamahalaan para sa mga naapektuhan ng baha matapos na opisyal na isailalim ang lungsod sa state of calamity dahil sa pananalasa ng Bagyong Paeng.
Samantala, pinangunahan naman ni House Majority Leader, Congressman Mannix Dalipe at Zamboanga City Mayor John Dalipe ang pamamahagi ng family food packs sa mga evacuees na kasalukuyang nanunuluyan sa Tetuan Central School.
Tiniyak naman ni Congressman Dalipe sa mga apektadong pamilya na sapat na tulong mula sa pamahalaan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Office of the Majority Leader kay House Speaker Martin Romualdez para sa tulong para sa siyudad ng Zamboanga.
Sa kabilang dako, ikinatuwa naman ng mga disaster workers ang panukalang magbibigay ng sapat na sahod at benepisyo para sa kanila.
Umaasa ang mga maaprubahan ang nasabing panukala.
Ayon kay Edwin Reyner Parafina isang disaster worker at barangay coordinator ng Barangay Tatalon sa QC na malaking tulong para sa kanila ba mabigyan ng sapat na sahod at benepisyo.