Aabot sa higit P11-milyong halaga ng iba’t-ibang produkto ang nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) matapos silipin ang anim na container vans sa Manila International Container Port (MICP).

Kabilang sa mga nakumpiska ng BOC officials ang ilang pagkain at secondhand na mga damit at gamit na pangbenta umano sa mga ukay-ukay.

Ayon sa Customs mula sa magkakahiwalay na petsa at bansa dumating ang naturang shipments.

Naka-consign daw ang nakumpiskang food items sa JL Twins Enterprises, at Great Prosperity Import and Export Enterprises.

Habang sa isang FiveJhoch Enterprises naka-address ang secondhand items.

Paliwanag ng BOC, paglabag sa iba’t-ibang batas ang mga nasabat na shipment.

Gaya ng Customs Modernization and Tariff Act at RA 4653.

Ang mga nakumpiskang pagkain ay isasailalim na sa forfeiture proceedings dahil walang kaukulang permit ang mga ito mula sa Food and Drug Administration.

Habang idi-dispose ang mga secondhand items tulad ng damit, pantalon at iba pa.