-- Advertisements --

Natanggap na ng walong civilian informants ng Philippine Drug Enforcement Agency ang kabuuang P11,633,843 na cash reward para sa kanilang serbisyo.

Ito ay bahagi ng monetary incentive program Operation: Private Eye ng PDEA.

Isa sa mga informant na ito ay naging susi para masakote ng mga operatiba ang nasa 49,705.20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng aabot sa P340 million.

Sa tulong nito ay naaresto ang dalawang suspects matapos ang ikinasang buy-bust operation sa Barangay Putatan, Muntinlupa City.

Ang isang pang informant ay naging dahilan ng pagkaka kumpiska ng nasa 39,859.60 gramo ng shabu na may tinatayang street value na aabot sa P272 million.

Ayon kay PDEA director general Undersecretary Isagani Nerez, ang bawat mahahalagang impormasyon ay may kapalit na halaga.

Malaki rin aniya ang maitutulong kung lahat ng komunidad ay nananatiling mapagmatyag upang masugpo na ng tuluyan ang ilegal na droga sa bansa.