₱105-M CASH RELIEF ASSISTANCE, NAIPAMAHAGI NA NG DSWD SA HIGIT 21,000 TRICYCLE DRIVERS SA MGA PROBINSYA
Pumalo na sa higit ₱105 milyon ang kabuuang halaga ng tulong pinansyal na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maibsan ang pasanin ng mahigit 21,000 na mga tricycle drivers na nag-ooperate sa labas ng Metro Manila.
Sa ikalawang araw ng pamamahagi ng cash relief assistance, kinumpirma ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na matagumpay na naiabot ang tig-₱5,000 na ayuda sa mga kwalipikadong tsuper mula sa mga rehiyon ng Ilocos, Central Luzon, CALABARZON, Negros Island Region, Davao, at SOCCSKSARGEN.
Ang naturang pamamahagi ay alinsunod sa direktiba ng pambansang pamahalaan na magbigay ng kagyat na interbensyon para sa sektor ng transportasyon na patuloy na umiinda sa epekto ng walang-humpay na pagtaas ng presyo ng krudo sa bansa.
Ayon pa kay Dumlao, tiniyak ng ahensya na hindi rito matatapos ang pamamahagi.
Magpapatuloy ang serye ng payouts sa mga susunod na araw upang tuluyang maabot at masaklaw ang iba pang target na benepisyaryo sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga tsuper na nakatanggap ng ayuda, kung saan inihayag nilang ang ₱5,000 na halaga ay malaking pandugtong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at pangangailangan ng pamilya sa gitna ng matinding hamon sa ekonomiya.
















