Kinilala ang P1,000 polymer banknote ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang High Security PrintingTM Asia’s (HSPA) “Best New Banknote Award” para sa 2023.
Ang parangal ay inihayag sa Colombo, Sri Lanka nitong buwan ng Disyembre.
Ang High Security PrintingTM Asia ay isang panrehiyong forum na nagtatampok ng mga pinakabagong teknolohiya at diskarte sa paggawa at pag-isyu ng mga banknote, ePassports, ID card, visa, at iba pang dokumento sa buong Asia.
Ang “Best New Banknote Award” ay isang kategorya sa ilalim ng Regional Banknote of the Year Award, na kumikilala sa mga banknote at serye na may natatanging disenyo, teknikal na pagiging sopistikado, at mga nagawang secuty feature.
Nagbibigay diin umano ang disenyo sa pagsasalamin sa kultural na pamana at kaugnayan ng pangkalahatang disenyo at simbolismo sa bansang naglabas nito.
Nabatid na ang 1000-Piso polymer banknote ay nagpapakita ng Philippine Eagle, na sumisimbolo sa pagiging natatangi, lakas, kapangyarihan, pagmamahal sa kalayaan, at matalas na paningin ng mga Pilipino; gayundin ang pambansang bulaklak na Sampaguita, na kumakatawan sa kadalisayan, pagiging simple, kababaang-loob, at lakas.
Itinatampok sa reverse side nito ang Tubbataha Reefs Natural Park, isang United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization World Heritage Site; ang disenyo ng T’nalak weave; at ang South Sea Pearl.
Ang BSP ay nagsimulang mag-circulate ng 1000-Piso polymer banknote noong Abril 2022.
Nabatid na ang Printing Australia Limited, isang wholly owned subsidiary ng Reserve Bank of Australia, ang naglimbag ng ating banknote.
Ang 1000-Piso polymer ay dating nanalo ng “Banknote of the Year Award” ng International Banknote Society para sa 2022.
Ang kampanya ng komunikasyon ng BSP para sa nasabing banknote ay nakakuha din ng “Best New Currency Public Engagement Program” mula sa International Association of Currency Affairs noong Mayo 2023.
Samantala, ang PhilID, o ang pambansang ID ng bansa sa ilalim ng Philippine Identification System, ay nanalo naman bilang 2023 “Best New National ID Card Award” mula sa High Security PrintingTM Asia.