-- Advertisements --
agriculture

Naniniwala ngayon ang Department of Agriculture (DA) na malaking tulong ang kanilang inilaang malaking halaga ng intervention bilang suporta sa industriya ng sibuyas sa bansa.

Ayon sa DA, papalo sa P100 million ang halaga ng mga interbensiyon na kanilang inilaan para suportahan ang industriya ng sibuyas sa bansa.

Paliwanag naman ng DA, gagamitin daw ang pondo sa pagpapabuti ng produksiyon ng sibuyas sa layuning makamit ang self-sufficiency.

Kasama na rin dito ang paglikha ng mga kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka ng sibuyas at sa paghahanda ng ready-markets para sa kanilang ani.

Sinabi naman ng Philippine Onion Industry Roadmap 2022 – 2025 kamakailan na inilathala ng DA, kailangan ng bansa na pataasin ang produksiyon mula 229,539 metric tons hanggang 279,270 metric tons sa loob ng limang taon.

Para sa 2022, ang DA High Value Crops Development Program ay naglaan ng P47.48 million na pondo para sa production support services, tulad ng pagbibigay ng mga binhi o seedlings at mga pataba para sa mga lugar na pinagtamnan ng sibuyas.