-- Advertisements --

Tinatayang aabot na sa higit P100- M ang pagkalugi ng National Food Authority (NFA) matapos magbenta ng 150,000 ng sako ng bigas sa halagang P25 kada kilo sa mga negosyante.

Ito ang naging pagtaya ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), matapos matuklasan na mas malaki pa sa unang report na 75,000 sacks ang naibenta ng mura.

Matatandaang bumili ng palay ang NFA mula sa mga lokal na magsasaka sa presyong P23 kada kilo ng palay at ibinenta sa mga negosyante ng P25 kada kilo ng bigas, kung saan gagastos pa ang ahensya ng P13- P14 kada kilo para sa paggiling ng palay, pag-warehouse at trucking.

Giit ni SINAG Executive Director Jayson Cainglet, bagama’t hayag na sa publiko ang korupsyon sa NFA sa nangyaring ito, naging mas matapang ang mga opisyal ng nasabing ahensya sa mga iligal na gawain.

Umaasa ang grupo na mananagot ang lahat ng sangkot sa anomalya ng pagbebenta ng bigas.

Sa ngayon ay naghahanda na rin ng bukod na imbestigasyon ang Kamara at Senado hinggil dito.