NAGA CITY – Isinusulong ngayon ng Kabataan Partylist ang pagbibigay ng karampatang ayuda para sa mga estudyante sa buong bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Congressman Raoul Manuel, sinabi nito na ang naturang hakbang ay upang mabigyan ng sapat na tulong ang bawat mag-aaral lalo na ngayong kakasimula pa lamang ng pasukan.
Dagdag pa nito, marami umanong mga mag-aaral ang nahihirapang muling magsimula lalo na ang mga magulang ng mga estudyante na nawalan ng trabaho dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.
Aniya, ito ang isa sa mga dahilang kung kaya isinusulong ng mga ito na mabigyan ng P10-K na ayuda ang bawat estudyante na magagamit ng mga ito para makabili ng kanilang mga pangangailangan.
Pinagsisikapan na lamang umano nila na lahat ng mga nag-apply na nasa 2 million na mga estudyante ay mabigyan ng tulong, kung saan mas pinasimple na lamang ang mga requirements para mas mabilis makuha ang naturang tulong-pinansyal.