Bunsod ng pumalo sa mahigit P10 bilyong pinsala sa sektor ng agrikultura sa lalawigan pa lamang ng Cagayan, mahigpit na iginigiit ngayon ng isang environmental group na magdeklara ang pambansang pamahalaan ng national climate emergency laban sa epekto ng matinding tagtuyot.
Ayon kay Laica Rayel, senior campaign manager ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), labis na umiinda ang mga magsasaka sa kakulangan ng suplay ng tubig at patuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon, na nagreresulta sa malaking pagbagsak ng kanilang ani.
Batay sa datos ng state weather bureau , aabot na sa 15 probinsya sa Luzon ang matinding apektado ng tagtuyot.
Dahil sa tindi ng sitwasyon, pormal nang isinailalim sa state of calamity ang mga lalawigan ng Isabela at Cagayan.
Sa tala ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), umabot na sa P10.29 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura, na pumilay sa kabuhayan ng libu-libong magsasaka at mangingisda sa lalawigan.
Gamit ang deklarasyon ng state of calamity, awtorisado na ang lokal na pamahalaan na gamitin ang kanilang calamity fund para sa agarang relief assistance at rehabilitasyon.
Matatandaang noong ika-23 ng Marso, opisyal nang idineklara ng state weather bureau ang pagtatapos ng Northeast Monsoon o Amihan, na siyang naghudyat sa pagpasok ng dry season.
Mahigpit ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na mag-ingat laban sa heat stress at laging uminom ng tubig upang maiwasan ang dehydration.















