KALIBO, Aklan — Handa na ang mga tribung lalahok sa muling pagbabalik ng sadsad contest ng Kalibo Sr. Sto. Niño Ati-Atihan festival 2023 sa darating na Enero 14, 2023 .
Ayon kay Engr. Lucas Francisco, tribe leader ng tribung Black Beauty Boys, halos 85 porsiyento na silang handa para sa contest, kung saan ilang finishing touches na lamang ang kinakailangan sa kanilang ginagawang mga costumes.
Inaasahan umanong lalong magiging makulay at masaya ang darating na festival dahil sa malaking cash prizes na inilaan ng festival organizer na Kalibo Ati-Atihan Festival Board (KAFEB).
Sa unang pagkakataon, aabot sa isang milyon ang mapapanalunan ng grand prize winner.
Walong tribu mula sa bayan ng Makato at Kalibo ang lalahok sa buong araw na Ati-Atihan street dancing contest.
Ang Black Beauty Boys, Maharlika Tribe, Pangawasan Tribe, Pride of Libtong, Tribu Alibangbang, Tribu Linabuanon, Tribu Tiis-Tiis, at Vikings ang maglalaban-laban para sa kabuuang P1,720,000 na premyo.
Ngayong 2023 na edisyon ng Ati-Atihan festival ay inaabangan kung muling mababawi ng Black Beauty Boys ang kampeonato mula sa Vikings na nanalo noong 2020 Ati-Atihan street dancing contest.
Ang naturang grupo ay may mahigit sa 80 dancers at nasa 100 mga drummers kasama na ang reliever.