Pinag-aaralan pa ng National Economic Development Authority (NEDA) ang posibleng epekto nang apela ng mga transport groups na P1 fare increase sa harap nang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa pagdinig ng House Fuel Crisis Ad Hoc Committee, sinabi ni NEDA Usec. Rose Edillon na aabot sa .3 percentage points ang nakikita nilang magiging epekto sa inflation ng fare increase na ito kung sakali.
Hindi pa aniya nila masabi kung significant ang projection nilang ito sa buong inflation rate dahil tinitingnan pa nila ang iba pang mga posibleng maging triggers.
Kabilang na aniya rito ang posibleng pagtaas sa interest rates sa mga pautang.
Gayunman, nilinaw ng opisyal na hindi naman tutol nang lubusan ang NEDA sa proposal na fare increase.
Sa katunayan, bukas ay magkakaroon aniya sila ng hearing kasama ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan pahinggil dito.