Naliliitan si Marikina Rep. Stella Quimbo sa P1 billion cash assistance na ibibigay ng pamahalaan sa mga tsuper sa harap nang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa pagdinig ng House ways and means committee, tinanong din ni Quimbo ang Department of Finance sa kanilang magiging diskarte para maipabahagi ang ayuda sa mga driver ng mga pampublikong sasakyan sa mabilis na pamamaraan.
Na-trauma na aniya silang mga mambabatas “sobrang kabagalan” ng DOF sa pagbibigay ng mga ayuda katulad ng sa mga nakalipas na taon.
Mababatid na ilang mga panukalang batas at resolusyon ang inihain sa mababang kapulungan ng Kongreso na nagpapanawagan ng suspensyon o pagbabawas sa excise tax ng langis.
Ayon sa Development Budget Coordination Committee (DBCC), maglalabas sila ng P1 billion sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) para sa cash grants na ibibigay sa mga PUV drivers.
Ang halagang ito ay inaasahang sasapat para sa 178,000 PUV drivers sa nalalabing buwan ng taon, na ipapamahagi sa pamamagitan ng sistemang ipinatutupad sa ilalim ng Pantawid Pasada Program.
Nilinaw naman ni DOF director Euvimil Nina Asuncion na kaparehong bilang lang din ang ginamit ng LTFRB nang mamahagi sila ng cash grants dati para sa mga PUV drivers.