-- Advertisements --

Ikinatuwa ng Department of Energy (DOE) ang hakbang ng Energy Regulatory Commission (ERC) na pagre-release ng P1.8-bilyong refund sa electric bill ng mga customer ng Meralco (Manila Electric Company).

“In spite of kaunti ‘yung kanilang tao, at saka kaunti ‘yung panahon na binibigay sa kanila, at minsan kinukulang nga resources, natutuwa ang DOE na may nakikita silang ganoon na pinagbebenepisyuhan ang mga konsyumer natin,” ani Energy spokesperson Wimpy Fuentebella sa isang panayam.

Batay sa show-cause order ng ERC, inatasan nito ang Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) na makipag-tulungan sa pagtukoy ng miscalculation sa bill ng kuryente ng Meralco consumers.

Posible raw kasi na nakaapekto ang application ng isang formula sa computing software ng PEMC kaya naitala ang labis na singil sa mga nakalipas na buwan.

Ngayong buwan sisimulan ng Meralco ang distribusyon ng refund sa kanilang mga customer.

Ayon sa ERC, posibleng maglaro sa 4-centavos kada buwan ang katumbas ng refund na matatanggap ng bawat bahay ng kumu-kunsumo sa Meralco.

“It could be more than four centavos (a month) because we have directed an accelerated processing,” ani ERC spokesperson Rexei Di.