-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Arestado ang tatlong lalaki matapos makumpiskahan ng aabot sa P1.5-milyong halaga ng mga marijuana sa bayan ng La Trinidad, Benguet.

Kinilala ang driver ng sasakyan na si Miller Paing, 28, habang ang mga sakay nito ay sina Moises Tapi-ic Calayon, 36, at Disley Anghel, 30.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni police Maj. Roldan Cabatan, hepe ng La Trinidad Municipal Police Station, na nagpapatrolya ang kanyang mga tauhan sa diversion road ng Benguet Agri-Pinoy Trading Center sa bayan ng Betag nang makita ng mga ito ang puting Innova na iligal na nakaparada at naka-standby sa kalsada.

Nilapitan ng mga pulis at tinanong ang ginagawa ng tatlong nakasakay sa loob ng sasakyan pero hindi umiimik at sumasagot ang mga ito.

Nagsagawa ang mga pulis ng visual search sa loob ng sasakyan kung saan doon nakita ang isang kahina-hinalang item.

Tinanong muli ng mga pulis ang tatlo ngunit hindi pa rin sumagot ang mga ito kaya nagpatulong na sila sa K-9 Unit ng pulisya.

Ani Cabatan, doon nadiskobre ang 13 na bungkos ng mga marijuana na nabalot ng brown packaging tape na may kabuuang bigat na 12.5 kilo.

Nagresulta aniya ito sa pag-aresto nila sa tatlo at sa pagkumpiska sa mga nasabing kontrabando.

Napag-alaman na sina Calayon at Anghel ay reloaded high value target ng pulisya.

Inihayag pa ni Cabatan ang kanyang pagkadismaya sa iligal na paraan ng ibang mga kababayan para magkapera ngayong Pasko.