-- Advertisements --
PCG Palawan Taklobo2
IMAGE | Philippine Coast Guard handout

MANILA – Aabot sa 200-tonelada ng fossilized giant clam shells o “taklobo” ang nasabat ng mga otoridad sa Roxas, Palawan nitong Biyernes.

Batay sa report ng Philippine Coast Guard, tinatayang P1.2-billion ang halaga ng mga nakumpiskang taklobo sa ginawang joint law enforcement ng tanggapan at iba pang ahensya.

Apat ang naaresto sa ginawang operasyon sa Sitio Green Island, Brgy. Tumarbong.

Kinilala ang mga ito na sina Rey Cuyos, 54; Rodolfo Rabesa, 48; Julius Molejoa, 47; at Erwin Miagao, 40.

Ayon kay PCG District Palawan Commander Commodore Genito Basilio, itinuturing na pinakamalaking insidente ng pagpupuslit sa mga taklobo ang naturang kaso.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang apat na naaresto.

“They were brought to the Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) for inquest proceedings and filing of appropriate cases,” ayon sa PCG.

Kasama ng Philippine Coast Guard sa operasyon ang Coast Guard Intelligence Group Palawan, Coast Guard District Palawan, PCSD, PNP – Maritime Group Palawan, AFP Intelligence Operatives, at Bantay Dagat Roxas.

Ayon sa mga eksperto malaki ang papel na ginagampanan ng malalaking clam shells para mapanatili ang balanse ng ecosystem sa karagatan.

“Giant clams are “important substrate that cradle other marine animals and plants,” ayon sa giant clam expert ng Western Philippines University na si Roger Dolorosa sa interview ng environmental website na Mongabay.

Noong 2019 nang ideklara na “endangered species” ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Central Visayas ang mga taklobo.