DAVAO CITY – Naglaan ngayon ng kalahating milyong piso na pabuya si Davao de Oro Governor Tyron Uy sa makapagturo kung sino ang nasa likod ng pamamaril at pagpatay sa isang barangay kapitan at isang pang biktima na babae.
Una ng nakilala ang mga biktima na sina Tubo-Tubo Barangay Kapitan Arnold Quizala at Alice Montebon residente ng Pekabi, Poblacion Monkayo Davao de Oro.
Sa isinagawang imbestigasyon ng otoridad, sinundo umano si Montebon sa kanyang bahay sa Purok Duranta Barangay Union Monkayo Davao de Oro ng mga suspek na una ng nagpakilala na mga contractor ng Dito cell site at nagpasama sa bahay ni Kapitan Quizala.
Pagdating ng mga ito sa bahay ng kapitan, lumapit ang suspek at binaril ang biktima sa kanyang ulo.
Binaril rin ng mga suspek si Montebon sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Isinugod pa ang mga ito sa Davao de Oro Provincial Hospital ngunit parehong ideklarang dead on arrival ng mga doktor.
Narekober ng otoridad sa crime scene ang .45 Caliber pistol na ginamit ng mga suspek.
Nabatid na kilalang mga supporters ng mga Uy ang mga biktima dahilan na hindi isinantabi ng otoridad na politika ang motibo sa pagpatay ng mga ito.