BAGUIO CITY – Nominado ang Pinoy pop group na SB19 para sa Top Social Artist award ng Billboard Music Awards 2021.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay napabilang ang isang Filipino at Southeast Asian act sa listahan ng mga bigating pangalan sa kategorya kasama ang international superstar na si Ariana Grande, ang Grammy-nominated group na BTS, at ang mga K-Pop sensations na BLACKPINK at Seventeen.

SB19 pop group

Ang Top Social Artist award ng BBMAs ay nakabase sa major music fan interactions sa buong mundo kabilang ang streaming, social engagement at global online voting results.

Sa nasabing kategorya rin ay apat na taon nang namayagpag ang grupong BTS mula 2017.

Matatandaan na una nang inamin ng SB19 sa Star FM Baguio na nais nilang maipagmalaki ang P-Pop sa buong mundo.

“Gusto po talaga naming ma-establish yung P-Pop dito sa Philippines. Hopefully, ma-promote po yung talent ng lahat ng Filipinos all over the world, na ipakita natin sa buong mundo na kayang-kaya po nating makipagsabayan sa kahit kanino,” pagbabahagi ni Pablo na lead vocals, rapper at leader ng SB19.

Kamakailan din ay inilabas ng grupo ang kanilang latest single na “What?” na sa kasalukuyan ay mayroon ng halos 9 million views sa YouTube.

Magaganap ang Billboard Music Awards 2021 sa May 24, araw sa Pilipinas.