Inamin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nagsimula ng bumalangkas ang tanggapan kasama ang ilang labor government agencies ng position paper para sa inaasahang pagtalakay ng Kongreso sa panukalang Department of OFW.
Ayon kay OWWA administrator Hans Leo Cacdac, katuwang nila sa pagbalangkas ng panukalang mga mekanismo at issues ang Department of Labor and Employment (DOLE) at attached agencies nito.
Kaugnay nito, tiniyak ni Cacdac na mapo-protektahan at hindi mako-kompromiso ang migrant workers fund o pondo ng mga Pilipinong manggagawa abroad.
Sa ngayon naisumite na raw ng kanilang hanay sa stakeholders ang draft ng position paper.
Sakop ng migrant workers fund ang bayad para sa benepisyo at serbisyo ng mga rehistradong OFW.
Kung maaalala, binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address na bago mag-Disyembre ay dapat maitayo na ang Department of OFW.