Dumipensa ang Office of the Vice President sa naging 2022 audit report ng Commission on Audit na nagpapakita na umabot sa kabuuang 433 security personnel ang itinalaga para kay Vice President Sara Duterte noong nakalipas na taon.
Paliwanag ng OVP na ang naturang deployment ng personnel ng Vice Presidential Security and Protection Group noong nakaraang taon para kay VP Duterte ay nakabatay sa naging assessment ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Dagdag pa nito, wala rin anilang nakitang adverse finding ang Commission on Audit sa pagbuo ng Vice Presidential Security and Protection Group kasabay ng pagbibigay-diin na ang naturang grupo ay nakatakda ring magbigay ng karampatang seguridad at proteksyon para sa mga susunod na magiging bise presidente ng bansa sa mga susunod na panahon.
Bukod dito ay idinahilan din ng naturang tanggapan para magkaroon ng dagdag na security personnel si VP Duterte ay ang iba pa niyang mga tungkulin kabilang na ang pagiging kalihim ng Department of Education, Co-Vice Chairperson ng National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict, at gayundin ang kaniyang pagiging presidente ng Southeast Asia Ministers of Eductaion Organization.
Kaugnay nito ay naglabas din ng datos ng OVP na nagpapakita na mayroong 558 security personnel mula noong July 2022 hanggang August 2023; 252 naman sa second half ng taong 2022; 93 security personnel sa unang bahagi ng taong 2023, 118 para sa second quarter ng 2023, at 21 personnel naman mula noong Hulyo hanggang Agosto ng taong kasalukuyan.
Kung maalala, una nang iniulat ng COA na ang naturang 433 security escorts ni VP Duterte noong taong 2022 ay katumbas ng 63% ng mga tauhan ng OVP, at 455% naman na mas mataas mula sa 78 detailed military personnel naman ni dating VP Leni Robredo.
Batay naman sa Budget of Expenditures and Sources of Financing ng Department of Budget and Management, ay nagkakahalaga sa Php25.308 million na halaga ng pondo ang inilaan para sa personnel services of military and uniformed personnel ng OVP ngayong taon na mas mataas din ng 86.80% na budget na P13.548 million noong taong 2022.