Pansamantalang sinuspindi ng Philippine consulate general sa New York City ang overseas absentee voting doon matapos na makaranas ito ng ilang technical problems.
Sa ulat, isang balota ang na-stock nang ipinasok ito sa vote counting machine (VCM) habang ang isa naman ay nahati sa dalawa kung saan ang isang bahagi nito ay inilabas ng makina habang ang natitirang bahagi naman ay naiwan sa loob nito .
Kahit na mayroon pa silang dalawang backup VCM ay minabuti na lamang ng consulate na pansamantalang suspindihin ito habang naghihintay sila ng susunod na guidance mula sa Commission on Elections (Comelec) sa Manila.
Ayon naman kay Consul Ricarte Abejuela, hindi na maisasama pa sa opisyal na bilang ang mga balotang hindi na na-retrieve pa habang ang natitirang mga balota naman ay nakatakdang isailalim sa susunod na ballot feeding session na gaganapin naman sa April 25.
Samantala, sinabi naman ni Consul General Elmer Cato na nasa mahigit 82% na ng 39,048 official absentee voting ballots ang naipadala na noong Biyernes ng umaga habang ang nagpapatuloy pa rin naman aniya sila sa pag-track sa send out ng lahat ng mga balota.
Pinayuhan din ni Cato ang mga rehistradong botante na i-check ang kanilang mga pangalan sa lisatahan na naka-post sa kanilang consulate website dahil nangangahulugan daw ito na nasa konsulado ng New York ang kanilang mga OAV ballot matapos na bumalik ang ilang mga balota sa kanila.