BOMBO DAGUPAN -Hinihinalang sa overloaded na saksakan ng kuryente nagsimula ang sunog na tumupok sa isang bahay sa Purok 3 Brgy. Quesban sa bayan ng Calasiao, Pangasinan, ilang araw bago ang Pasko at Bagong Taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay FO2 Besmart Eslava, Investigator ng Bureau of fire Protection-Calasiao, sinabi nitong umaabot sa humigit kumulang P600,000 ang inisyal na danyos sa nagpapatuloy nilang imbestigasyon.
Aniya na bagamat mabilis nilang naapula ang nangyaring sunog , ay naabo lahat ng mga gamit ng mga naninirahan dito. Saad pa nito na nasa 5 ang tao sa bahay noong nangyari ang sunog ngunit sa kabutihang palad ay wala namang nasugatan o nasaktan sa mga ito.
Saad nito na ay ito na ang pangalawang insidente ng sunog na naitala sa kanilang bayan ngayong buwan kaya patuloy ang kanilang pagpapaalala at panawagan sa publiko na iwasan ang overloaded na saksakan dahil isa ito sa pinagmumulan ng sunog.
Samantala, sa pahayag naman ni Ailyn Biovicente, live-in partner ng may-ari ng nasunog na bahay , sinabi nito na nagising na lamang siya ng kinaumagahan ng araw ng insidente kung saan nakita niya na nasusunog na ang ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Dahil gawa ito sa light materials ay mabilis itong natupok ng apoy at kaagad na bumagsak sa unang palapag na mabilis ding nilamon ng apoy.
Aniya na wala silang naisalba na mga damit o ilang gamit sa bahay, maliban na lamang sa kanilang refrigerator dahil idinaan sa likod ng mga kapitbahay nito habang nasusunog ang bahay nila.