
Napapanahon na para ibalik ang paglimita sa overbooking ng airline companies kasunod ng sandamakmak na reklamo mula sa mga pasahero kaugnay sa cancelled bookings at offloading.
Ito ang binigyang diin ni Civil Aeronautics Board (CAB) Executive Director Carmelo Arcilla.
Inirekomenda rin nito ang overbooking cap na 5% hanggang 10% dahil base aniya sa experience, hindi nago-overbook ang mga airlines hanggang sa limit at madalas na nasa pagitan lamang ng 2% hanggang 5% ang sinusunod sa buong mundo.
Iginiit pa ng opisyal na ang muling pagpapatupad ng overbooking cap ay gagarantiya ng sapat na proteksiyon para sa mga pasahero.
Paliwanag ng CAB official na ang overbooking ay isang global practice ng mga airline para matiyak na walang bakanteng upuan sa kanilang pagbiyahe para ma-optimize ang kanilang kita sakaling mayroong pasahero ang biglaang magkansela ng kanilang flights.










