Hinimok ng Department of Tourism (DOT) ang mga kinauukulan na agad na magsagawa ng kaukulang aksyon laban sa lokal na pamahalaan ng Malay sa lalawigan ng Aklan.
Ito ay matapos na mapaulat na lumagpas sa carrying capacity at umabot pa sa mahigit 21,000 ang bilang ng mga turistang bumisita sa Isla ng Boracay sa nagdaang panahon ng Semana Santa.
Dahil dito ay dismayado si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat dahilan kung bakit pinagpapaliwanag nila ngayon ang alkalde ng nasabing lugar.
Dapat kasi aniya na isinaalang-alang ng LGU ang mahigpit pa rin na pagpapatupad ng mga health protocols sa lugar dahil kasalukuyan pa rin itong nasa ilalim ng Alert Level 1.
At kabilang aniya dito ang pagsasaalang-alang sa dami ng mga turistang kanilang tatanggapin lalo na sa panahon ngayon upang maiwasan na maging sanhi ito ng super spreader event ng COVID-19.
Kaugnay niyan ay nanawagan ang DOT sa Department of the Interior and Local Government (DILG) and Department of Environment and Natural Resources (DENR) na agad na umaksyon hinggil sa naging paglabag sa health and safety protrocols ng nasabing lugar.
Samantala, sa ngayon ay wala pa ring naging tugon ang lokal na pamahalaan ng Malay hinggil sa nasabing usapin.