Nagbigay ng kanyang huling saludo sa mga tauhan ng Philippine Navy si outgoing AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay sa kanyang pagbisita kahapon sa headquarters ng Philippine Fleet (PF) at Naval Special Operations Command (NAVSOCOM) sa Naval Base Heracleo Alano in Sangley Point, Cavite City.
Si Gen. Gapay ay pinagkalooban ng military honors bilang pagkilala sa kanyang matapat na paglilingkod sa bansa bilang ika-54 na pinuno ng sandatahang lakas.
Sinaksihan din ni Gen. Gapay ang isang capability demonstration ng NAVSOCOM Airborne Ground.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni Gen. Gapay ang mga tauhan ng Philippine Navy, sa pangunguna ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo sa isang “job well done”, at nagpasalamat sa kanilang suporta, kooperasyon, serbisyo at sakripisyo.
Sinabi ni Gen. Gapay na sa kanyang pagreretiro, tiwala siyang nasa mabuting kamay ang Navy at ang Sandatahang lakas na may mahuhusay na lider at tauhan na matatag ang kapatiran.