Ipinakita ng mga estudyante mula sa Philippine Science High School sa media ang kanilang mga orihinal na imbensyon kanina sa pagtitipon na tinawag na “Tatak Pisay, Orihinal na Likha” sa isang hotel sa Mandaue City.
Kabilang sa apat na imbensyon na iprinisinta ng mga mag-aaral ay ang Multi-Purpose Interconnected Transceiver Apparatus na isang device na nangangalap at nagpapakita ng impormasyong ipinadala ng iba’t ibang device na sumusubaybay sa kondisyon ng panahon sa isang partikular na kapaligiran; System for Assisting Visually Impaired (VISION) na nagbibigay-daan sa mga may visually impaired para makakita at maramdaman ang kapaligiran; Portable Water Quality Device (IMAHE) na isang program device na gumagamit ng pagpoproseso ng imahe upang maka-identify ng micro plastic sa ibinigay na sample , at ang Aquaculture Monitoring Device na tinatawag na Bantay ay isang device na nagmonitor sa kalidad ng tubig sa aquaculture.
Lahat pa umano ng mga imbensyon na ito ay nakarehistro sa ilalim ng Intellectual Property of the Philippines (IPOPHL) habang ang ilan sa mga ito ay nakarehistro na sa World Intellectual Property Organization (WIPO) habang patuloy din ang pagpaparehistro ng patent nito.
Ang PSHS ay isang attached agency ng Department of Science and Technology (DOST) na nag-aalok ng high quality STEM education sa mga karapat-dapat na Pilipinong mag-aaral na may talento sa agham at matematika.